BUTUAN CITY – Umaabot na sa 11,605 mga pamilya o 39,319 na mga indibidwal sa buong Caraga Region ang nailikas ngayon sa 59 na mga evacuation centers dahil sa mga pagbaha at landslides na hatid ng walang humpay na pag-ulan gawa sa nararanasan ngayong shearline.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga spokesperson Marco Davey Reyes, palaging handa ang kanilang augmentation support para sa mga biktima ng kahit na anumang kalamidad gaya ng bagyo, masamang panahon at iba pa.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag nitong nakahanda palagi ang kanilang ipamimigay ng mga ayuda para sa mga mangagailangang local government units (LGU) lalo na’t parami na ang mga pamilyang apektado ng palagiang pag-ulan.
Sa ngayo’y aabot sa P52,880,619.43 na halaga ng family food packs, non-food items at kasama na ang 5-milyong pisong cash ang handang ipamimigay ng ahensya sa mangangailangang LGUs.