-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Pinangunahan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang isinagawang tree growing activity sa UK Peak, Brgy. Katalicanan, Aleosan, Cotabato.

Kasama ang iba’t ibang government line agencies abot sa 500 forest trees ang itinanim sa slope areas ng UK peak na isa sa mga inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan upang maiwasan ang pagguho ng lupa lalo na sa mga matatarik na lugar at upang malabanan din ang malalang epekto ng global warming.

Labis din ang pasasalamat ng 15 residente mula sa Brgy. Upper Mingading at Katalicanan dahil sa food and cash for work na ibinigay ng probinsya para sa kanilang boluntaryong pagtulong na maging matagumpay ang aktibidad.

Ang tree planting activity ay pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Disaster Resilience Month ngayong buwan ng Hulyo.

Kasama rin sa nasabing aktibidad sina Board Member Sittie Eljorie Antao-Balisi, Mayor Eduardo Cabaya, Vice Mayor Felimon Cayang, ilang department heads ng lalawigan at representante ng ilang government line agencies.