-- Advertisements --

NAGA CITY-Sugatan ang isang magsasaka pagkatapos na bigla na lang itong pagtatagain sa loob mismo ng kanyang bahay sa Brgy. Villa Hiwasayan, Guinayangan, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Edgar Doroma, 44-anyos, residente ng nabanggit na lugar.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang tulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay, bigla na lang dumating ang suspek na si Alyas Vivincio, 42-anyos, residente rin ng lugar, at dito na nito pinagtataga ang biktima ng tatlong beses.

Dahil dito, nagtamo ng sugat sa likudang parte ng kanyang leeg ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa agarang lunas.

Kaagad naman na tumakas ang suspek pagkatapos ng nabanggit na insidente papunta sa direksyon ng Buenavista, Quezon.

Isa sa tinitingnan ng mga awtoridad na motibo ng insidente ang personal na galit sa biktima.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa insidente pati na ang paghanap sa kinaroroonan ng tumakas na suspek.