-- Advertisements --

Batay sa huling situational report ng Department of Health (DOH) nasa 34.6-percent pa ang rate ng ICU beds, habang nasa 18-percent ang rate ng mechanical ventilators capacity ng mga ospital sa bansa.

CCUR JUNE 2 DOH
IMAGE | Hospital bed and mechanical ventilators capacity as of June 2, 2020/DOH Facebook page

Mababa kung titingnan ang mga numerong ito, pero ayon sa kagawaran at isang eksperto, ang pananatiling mababa ng “critical care utilization rate” ng Pilipinas ay indikasyon na mas maayos nang naaalalayan ng health care system ang mga pasyente ng COVID-19.

Sa virtual presser ng DOH kanina ipinaliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang kahalagahan nang pagpapanatili ng mababang critical care utilization rate.

Sinasalamin daw kasi nito kung may sapat na gamit at bilang ng medical staff ang bansa para sa mga pasyenteng mangangailangan ng mas mataas na antas ng management.

Para maabot ito, dalawang bagay daw ang pwedeng gawin. Una ay ang pagpaparami sa ICU beds at stock ng mechanical ventilators; at pangalawa, ay ang pagsisikap na mapababa ang bilang ng mga pasyente na magiging kritikal ang sitwasyon.

“Ang last line of defense natin ay nasa hospital setting: ang treatment, management, and critical care. Kapag nag-positive at nagpakita ng sintomas ang mga taong may COVID-19, dapat nating matiyak na naibibigay natin sa kanya ang mahusay na medical treatment kahit na severe o critical ang maging classification niya.”

“Ang ibig sabihin ng mahusay na medical treatment ay: nasa isang ospital, sa isang kwarto o ward na dedicated sa COVID-19 patient lamang, may nag-aalagang medica staff na may sapat na kaalaman at kasanayan sa pag-handle ng patients at may suot na angkop na PPE. Ang ospital na ito ay may mga critical care equipment tulad ng mechanical ventilators.”

Ayon naman sa Associate Dean for Research ng UP Manila College of Public Health na si Dr. Katherine Reyes, magiging epektibo rin ang pagpapanatili sa mababang critical care utilization rate kung makikipagtulungan ang komunidad sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health standards.

Pati na ang epektibong pag-identify at pag-isolate ng gobyerno sa mga bagong kaso ng sakit.

Sa ngayon, limang porsyento mula sa kabuuang bilang ng COVID-19 patients ang nasa malalang sitwasyon o nangangailangan ng intensive care.

“Yung ating (critical care utilization) rate is okay, so we have a good buffer. Kaya lang kailangan natin itong tingnan with caution kasi we will only see the need for probably more bed dahil nag-relax na tayo ng restriction. We will only see it in the next two weeks, so kailangan hindi ito reason para maging kampante tayo.”

Una na ring sinabi ng DOH na patuloy na bumababa ang trend ng mortality rate o mga namamatay dahil sa COVID-19 sa bansa.

Ayon sa DOH mula 25.3 deaths kada araw noong Abril, nasa 1.6 deaths kada araw na lang ang rate sa pagtatapos ng Mayo.