Maaaring maharap sa contempt ang sinumang tatangging sumunod sa subpoena na ipalalabas ng Senado bilang Impeachment Court.
Ito ang binigyang-diin ni House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr.
Sinabi ni Tolosa na ang subpoena ay isang legal na utos at hindi simpleng kahilingan na maaaring balewalain ng mga ahensya ng gobyerno, bangko, at iba pang may hawak ng mga rekord.
Aniya, may kapangyarihan ang Impeachment Court na ipatupad ang mga subpoena at obligahin ang mga kinauukulan na isumite ang hinihinging ebidensya.
Kabilang sa hiniling ng prosekusyon ang pagpapalabas ng subpoena sa mga bangko, Bureau of Internal Revenue (BIR), at Anti-Money Laundering Council (AMLC) upang isumite ang mga financial records ni Vice President Sara Duterte, ng kanyang asawa na si Manases Carpio, at ng kanilang mga financial interest.
Ayon pa kay Tolosa, ang mga dokumentong hinihingi ay may kaugnayan sa Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa mga alegasyon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi pagdedeklara ng mga ari-arian, at katumpakan ng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte.
Nilinaw rin ni Tolosa na ang subpoena duces tecum ay nag-uutos lamang sa tagapag-ingat ng mga rekord na isumite ang mga ito sa Impeachment Court, habang maaari pa ring kuwestiyunin ng magkabilang panig ang pagiging katanggap-tanggap, kaugnayan, at bigat ng mga ito bilang ebidensya.
“Well, this is a compulsory process that will be issued by the Impeachment Court. And together with subpoena power, the Impeachment Court has also the authority and the power to enforce them. So whoever fails or refuses to comply with the subpoena, they will have to face the consequences that come with it. Merong contempt power ang Impeachment Court para pilitin ho yan,” pahayag ni Atty. Benjamin Tolosa Jr.
















