
Sinisilip na raw ng House Ways and Means Committee ang pagpapataw ng non-essential goods taxes sa ilang luxury items.
Kasunod ito ng panawagan ng ilang international organization na patawan ng buwis ang pinakamayayaman sa bansa.
Sa kasalukuyan ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chair ng Komite, nakapaloob sa Section 150 ng Tax Code ang 20% tax imposition sa mga alahas, pabango at yate.
Ang maaari aniyang gawin ng kaniyang komite ay palawakin listahan at isama ang iba pang gamit tulad ng wristwatch, bag at leather goods, residential properties at paintings.
Ang magiging hamon na lamang aniya ay kung ano ba ng maikokonsiderang ‘luxury item”.
Positibo si Salceda na ang tamang pagbubuwis sa mga mayayaman ay makatutulong para mapababa naman ang buwis sa working class.









