-- Advertisements --

Binawi ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng vlogger na si Ishi Lee at pinatawan ng patong-patong na parusa matapos kumalat sa social media ang isang viral video ng kanyang reckless at distracted driving.

Bukod sa revocation ng kanyang lisensya, pinatawan din siya ng multa at pinagbawalang makapag-renew ng lisensya sa loob ng dalawang taon.

Nauna nang naglabas ang LTO ng show cause order (SCO) noong Pebrero, kaugnay ng kumalat na video kung saan makikitang nagmamaneho siya habang nagre-record.

Gayunpaman, hindi umano dumalo si Lee sa itinakdang pagdinig at hindi rin nagsumite ng paliwanag, kaya nagpasya ang ahensya na resolbahin ang kaso.

Ayon sa LTO, sa kabila ng naunang utos na nagbabawal sa kanya na magmaneho, patuloy pa rin umano siyang nagmamaneho, na nagresulta sa karagdagang paglabag kabilang ang driving without a valid driver’s license.

Sa inilabas na supplemental order noong Abril 20, nakasaad ang mga paglabag ni Lee gaya ng reckless driving, pagmamaneho nang walang valid license, paglabag sa anti-distracted driving law, at pagiging hindi angkop na magmaneho.

Sa isang Facebook post, iginiit ni Lee na hindi niya natanggap ang kopya ng SCO. Aniya, wala umanong naibigay sa kanya na dokumento “in black and white,” kahit sinabi ng LTO na nagpadala sila ng kopya.

Bukod sa mga multa at parusa, ipina-impound din ng LTO ang kanyang sasakyan, na mananatili sa kustodiya ng ahensya hanggang sa makumpleto niya ang mga kinakailangang dokumento at mabayaran ang mga multa.