Mas paiigtingin pa ng Land Transportation Office at Philippine National Police ang kanilang pagtutulungan upang sugpuin ang mga naglipanang online scammers sa bansa.
Ito ay sa gitna ng talamak na mga panloloko ng ilang mga grupo online na nag-aalok ng tulong sa mga nagnanais na makakuha ng lisensya sa LTO upang mapadali ang kanilang pagpoproseso sa pagkuha ng student permit, permit, o pag-renew sa rehistro ng kanilang mga sasakyan.
Pagsisiwalat ni LTO Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, ang naturang mga grupo ay mag-aalok ng tulong online ngunit sa huli ay manloloko lamang at peperahan ang kanilang mga biktima.
Dahil dito ay makikipagpulong aniya ang kanilang ahensya sa PNP upang talakayin ang mga hakbang na kanilang posibleng gawin upang mapigilan ang ganitong uri ng mga ilegal na aktibidad.
Kasabay nito ay nagbabala rin ang opisyal na hindi matitinag ang LTO at iba pang ahensya ng gobyerno hanggang sa tuluyan na nitong masawata ang mga mapagsamantalang mga indibidwal hanggang sa ang mga ito ay tuluyan nilang maipakulong.
Samantala, kaugnay nito ay nanawagan naman si Mendoza sa publiko na makipagtulungan at agad na ipagbigay-alam sa mga otoridad kung may mga impormasyon mang makakalap hinggil sa naturang grupo ng mga manloloko.