-- Advertisements --

Itinutulak ni Parañaque 2nd District Rep. Brian Yamsuan ang House Bill 7868 na naglalayong bumuo ng pangmatagalang plano upang matugunan ang kakulangan ng mga aklat sa pampublikong paaralan at matiyak na ang mga learning materials ay napapanahon at angkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral.

Sa ilalim ng panukala, magkatuwang na bubuo ang Department of Education (DepEd) at National Book Development Board (NBDB) ng National Textbook and Learning Resources Plan na magtatakda ng mga polisiya upang matiyak ang sapat na suplay ng mga aklat at regular na pagrerepaso sa mga ito kada limang taon.

Iminungkahi rin ni Yamsuan ang pagpapalawak ng pag-imprenta ng mga aklat sa region level kung posible, upang mapalakas ang produksyon sa Visayas at Mindanao. Nakapaloob din sa panukala ang unti-unting paglilipat sa private sector ng paglalathala at distribusyon ng mga aklat sa loob ng tatlong taon, habang babantayan ito ng NBDB.

Kasama rin sa panukala ang pagkilala sa electronic publications bilang mga aklat, pagbuo ng mga materyales para sa mga mag-aaral na may kapansanan, at pagtatatag ng Textbook Review Committees upang tiyakin ang kalidad at pagiging angkop ng mga aklat na gagamitin sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay Yamsuan, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat at dekalidad na mga aklat upang mapataas ang kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral at matugunan ang matagal nang suliranin sa kakulangan ng learning materials sa mga pampublikong paaralan.