Nilinaw ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na masyadong maaga para sabihin kung mayroon nang local transmission ng COVID-19 Omicron BA.2.12.1 sa kabila ng pagtuklas ng mga subvariant mula sa dalawang Filipino sa Metro Manila na walang travel history sa labas ng bansa.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na kasalukuyang nagsasagawa ng surveillance ang DOH para matukoy ang pinagmulan ng mga kasong ito.
Nauna nang inihayag ng tagapagsalita ng Health department na dalawang fully vaccinated at boosted individuals sa Metro Manila ang nakakuha ng subvariant.
Ang dalawa, na nakaranas lamang ng mild na sintomas at ngayon ay na-tag bilang asymptomatic at recovered, ay mayroong 39 na asymptomatic close contact.
Sa kabila nito, hindi nakikita ng bansa ang isang makabuluhang pagtaas ng mga kaso sa Metro Manila dahil sa variant sa ngayon, ayon kay Vergeire.
Maliban sa dalawang lokal na kaso, natukoy din ng DOH ang 12 kaso ng BA.2.12.1 sa Puerto Princesa, Palawan.
Nitong Sabado, nag-ulat ang bansa ng 3,687,748 kaso, kabilang ang 3,122 active infections, 3,624,171 recoveries at 60,455 na namatay, ayon sa DOH.