-- Advertisements --
image 273

Pinalutang ng isang eksperto ang posibilidad ng local transmission ng COVID-19 omicron subvariant na XBB.1.5 matapos na madetect ang unang kaso nito sa bansa mula sa isang Pilipino na walang travel history.

Ginawa ni Dr. Edsel Salvana na miyembro ng Department of Health Technical Advisory Group for Infectious Disease ang naturang pahayag matapos na ibunyag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang unang kaso ng naturang mas nakakahawang Omicron subvariant ay local case at walang natukoy na exposure.

Sa kabila nito, kailangan aniya na makapag-detect ng mas maraming kaso para masabi na mayroon talagang local transmission.

Sa kasalukuyan kasi, nasa tatlong kaso na ng XBB.1.5 ang nadetect sa bansa matapos na madagdagan pa ng dalawang bagong kaso base sa resulta ng genome sequencing mula Pebrero 7 hanggang Pebrero 9 ng kasalukuyang taon.

Ang XBB.1.5 ay iniuri ng European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC) bilang offshoot ng XBB subvarinat at itinuturing na variant of interest dahil sa paglaganap nito sa buong mundo at enhanced immune evading properties nito.

Bagamat ayon sa DOH, base na rin sa mga kasalukuyang ebidensiya hinggil sa XBB.1.5 lumalabas na wala itong pinagkaiba pagdating sa disease severity o clinical manifestations kung ikukumpara sa orihinal na Omicron variant.

Paalala pa rin ng eksperto sa publiko na ipagpatuloy pa rin ang pagsusuot ng facemask at mag-avail ng bivalent covid-19 vaccines bilang booster shot sa oras na dumating na ito sa bansa.