Pinag-aaralan ngayon ng Commission on Higher Education (CHED) ang posibilidad na payagan ang limited face-to-face classes sa mga lugar na mayroong mababang kaso ng COVID-19 at mataas na vaccination rates.
Sa Laging Handa briefing kaninang tanghali, sinabi ni CHED Chairman Prospero De Vera III na sa ngayon limitado lamang sa mga nag-aaral ng medisina at iba pang allied health sciences ang face-to-face classes sa bansa.
Kamakailan lang, limang iba pang degree programs ang napasama sa listahan: Engineering and Technology programs, Hospitality/Hotel and Restaurant Management, Tourism/Travel Management, Marine Engineering, at Marine.
Sinabi ni De Vera na posibleng madagdagan pa ito kung papayag din ang mga local government units na mayroong mataas na vaccination rate at mababang COVID-19 cases.
Base sa datos ng CHED, 73 percent ng mga personnel sa 1,488 colleges at universities sa bansa ang bakunado na kontra COVID-19.










