-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na limang lugar sa National Capital Region (NCR) ang muling isinailalim sa Modern Risk classification.

Ito ay matapos na muling makitaan ang nasabing mga lugar ng nasa 200% na pagtaas sa bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19.

Ayon kay DOH Spokesperson, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kabilang sa mga lugar na ito ay ang mga lungsod ng Pasig, San Juan, Marikina, Quezon, at gayundin ang munisipalidad ng Pateros.

Ngunit paglilinaw niya na bagama’t nakikitaan ng muling pagtaas ang bilang ng mga kaso sa mga nasabing lugar ay nananatili pa rin naman aniya na nasa ilalim ng low risk ang hospital utilization rate dito o bilang ng mga nahawang indibidwal na ina-admit sa mga ospital dahilan kung bakit mananatili rin na maayos ang kalagayan ng bansa.

Bagay na pinagtibay ni Dr. Maria Encartina Limpin, ang immediate past president ng Philippine College of Physicians, matapos nitong sabihin sa bukod na pahayag na hindi pa nila nakikitaan ng anumang pagtaas sa mga kaso ng COVID-19 ang mga pagamutan sa bansa at sa halip ay nakakita sila ng pagtaas naman ng mga home consultation mula sa mga pasyenteng tinamaan ng nasabing sakit.

Samantala, bukod sa NCR ay makikita rin sa pinakahuling datos na inilabas ng independent pandemic tracker ng OCTA Research Group na nagkaroon din ng mahigit sa 5 porsiyento na positivity rate ang mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Iloilo, Laguna, at Rizal.