-- Advertisements --

Sumampa na sa mahigit 7,600 na mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama ang kanilang mga pamilya ang matagumpay na naiuwi sa Pilipinas mula sa Gitnang Silangan sa ilalim ng tuloy-tuloy na repatriation program ng pambansang pamahalaan.

Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Migrant Workers (DMW), ligtas na lumapag kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang pinakabagong batch na binubuo ng 36 na OFWs at dalawang dependents. Ang nasabing grupo ay umuwi sa bansa lulan ng magkakahiwalay na commercial flights.

Pagbaba pa lamang sa paliparan, agad na sinalubong ng mga kinatawan ng DMW at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga umuwing Pilipino.

Bilang bahagi ng paunang alalay ng gobyerno, nakatanggap sila ng financial assistance, libreng sasakyan pauwi sa kani-kanilang probinsya, at pansamantalang matutuluyan para sa mga nangangailangan.

Sa pangkalahatang tala ng DMW na sumasaklaw mula Marso 5 hanggang Abril 25, 2026, pumalo na sa 7,674 na mga OFW at dependents ang nakabalik na sa Pilipinas. Mula sa kabuuang bilang na ito, nasa 7,051 ang direktang napauwi sa pamamagitan ng libreng serbisyo at pondo ng gobyerno.

Tiniyak naman ng mga kinauukulang ahensya na hindi titigil ang isinasagawang repatriation at reintegration programs. Layunin nitong masiguro na maililikas ang lahat ng mga Pilipinong nagnanais umuwi upang mailayo sa anumang banta sa kaligtasan sa ibayong dagat, at mabigyan sila ng panibagong pangkabuhayan pagbalik sa bansa.