Inirekomenda ngayon ng League of Provinces of the Philippines (LPP) ang pagtanggal na sa enhanced community quarantine (ECQ) sa mga local government units (LGUs) na wala ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay LPP president at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., ang duration ng quarantine ay lagpas na rin sa incubation period ng naturang virus na dalawang linggo.
Paliwanag ng gobernador, mayroon na raw kasing mga bayan at lalawigan ang wala ng kaso at sa halos 40 na araw ay wala na silang nakikitang infected.
Inihalimbawa ni Velasco ang mga probinsiya ng Marinduque at Romblon na dapat ay hindi na kasali sa ECQ dahil maliban sa isolated ang naturang mga area ay wala na ring kaso ng covid doon.
Pero, puwede naman umanong palawigin ang ECQ lalo na sa National Capital Region (NCR) dahil sa mataas na kaso ng virus at ilang lugar na medyo marami pa ang nagpo-positibo sa kaso.
Una rito, sinabi ni Department of Health (DoH) Usec. Maria Rosario Vergeire na bumabagal na ang transmission ng COVID-19 sa bansa.
Sa pinakahuling tala ng DoH pumalo na sa 6,710 ang kabuuang COVID-19 cases, 446 ang mga namatay at 693 ang mga naka-recover.