Inaasahang magpapadala ang Pentagon ng karagdagang libu-libong sundalo mula sa elite 82nd Airborne Division patungong Middle East, ayon sa mga ulat, habang patuloy ang digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon sa mga source, nasa pagitan umano ng 3,000 hanggang 4,000 sundalo ang maaaring i-deploy upang palakasin ang presensya ng Amerika sa rehiyon, kahit patuloy na sinasabi ni U.S. President Donald Trump na bukas siya sa negosasyon sa Iran para sa tigil putukan.
Hindi pa malinaw kung saan eksaktong ipapadala ang mga tropa ng U.S., ngunit ayon sa ulat layunin nitong palawakin ang kakayahan ng Estados Unidos para sa posibleng operasyon.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 50,000 na ang tropang Amerikano ang nasa Middle East.
Nauna nang nagpadala ang U.S. ng karagdagang pwersa nito, kabilang ang mga Marines at mga war ship gaya ng USS Boxer.
Sa kabila nito, patuloy ang mga opensiba ng U.S., na umano’y umabot na sa libo-libong target sa loob ng Iran. Sa pinakahuling datos nito, 13 sundalong Amerikano na ang nasawi at halos 300 ang sugatan.
Gayunpaman, nananatiling hamon para sa administrasyon ni Trump ang mababang suporta ng publiko sa kampanya laban sa Iran, ayon sa isang survey kung saan mas marami ang tutol kaysa sumusuporta sa naturang aksyong militar ng Amerika.
















