-- Advertisements --

Magpapatuloy bukas, May 31, 2022, ang LIBRENG SAKAY sa MRT-3 para sa lahat ng mga pasahero sa halip na hanggang ngayong araw na lamang.

Itoy matapos mapalawig ito ng isa pang buwan hanggang sa June 30, 2022.

Makasasakay nang libre ang lahat ng pasahero sa buong mga oras ng operasyon ng linya, mula sa unang biyahe ng tren ng alas-4:40 ng umaga hanggang huling biyahe ng alas-10:10 ng gabi.

Ito na ang ikatlong buwan na libre ang pamasahe sa MRT-3, ang pinakamahabang pagkakataon na nagkaroon ng libreng sakay sa linya.

Ang libreng sakay ay unang ipinatupad noong March 28, 2022, bilang selebrasyon sa matagumpay na rehabilitasyon ng MRT-3.

Layon din nitong makatulong sa mga pasahero sa gitna ng mataas na presyo ng gasolina at ng mga bilihin.

Sa bahagi ng MRT-3, magbibigay-daan ang extension ng programa sa pamunuan upang patuloy na masubok ang kapasidad at performance ng linya sa pagseserbisyo ng hanggang o mas mataas pa sa 350,000 pasahero kada araw.

Batay sa monitoring ng MRT-3 nuong May 27,2022 naitala ang pinakamataas na ridership nito simula nang magbalik-operasyon noong June 2020, na umabot sa 366,994 pasahero.

Samantala, patuloy din ang pagpapatupad ng mga health and safety protocols sa MRT-3, upang mapanatili ang kaligtasan ng mga pasahero mula sa sakit na COVID-19.