Sa gitna ng patuloy na tumataas ng presyo ng produktong petrolyo at sa nalalapit na paggunita ng Semana Santa, nag-alok ang Kapitolyo ng Libreng Sakay para sa mga vulnerable sector.
Kabilang sa mga makikinabang dito ang mga senior citizens, mga buntis, at mga pasaherong may kasamang maliliit na bata.
Sa naging pagtatanong ng Star Fm Cebu, ibinahagi ni Ahmed Cuizon, administrator ng Cebu South Bus at North Bus Terminal na ipatutupad ang inisyatiba mula Marso 31 hanggang Abril 1.
Sinabi pa ni Cuizon na naglalaan ng tig-apat na unit ng bus sa bawat terminal na babiyahe sa Martes Santo at Miyerkules Santo, na inaasahang may pinakamataas na bilang ng mga pasahero.
Ibinahagi rin nito na handa na ang mga terminal sa inaasahang dagsa ng tao.
Kabilang sa kanilang mga paghahanda ang pagdaragdag ng mga upuan, paglalagay ng mobile clinics, at libreng paggamit ng mga palikuran.
Samantala, wala nang itatayong satellite terminals ngayong taon matapos mapansing mas pinipili ng mga pasahero na sumakay direkta sa mga bus terminals dahil mas mabilis mapuno ang mga bus.
Nanawagan naman ito sa mga pasahero na magpakita ng disiplina—magbaon ng mahabang pasensya, iwasan ang pagsingit sa pila, panatilihin ang kalinisan sa loob ng terminal at magplano at bumiyahe nang mas maaga hangga’t maaari upang maging maayos ang kanilang paglalakbay ngayong Semana Santa.
















