Maituturing umanong isang magandang regalo para sa mga kababaihan ngayong ipinagdiriwang ang Women’s Month ang pagbibigay ng libreng mammogram at breast ultrasound sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Sa presscon sa Kamara, pinuri ni Deputy Majority Leader at Iloilo Rep. Janette Garin sina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo sa kanilang pagpupunyagi na mapaganda ang benepisyong naibibigay ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
“Ito ay napakagandang regalo sa ating mga babae. Hindi kailangang may maramdaman ka para ikaw ay magpamammogram or magpa-breast ultrasound. Kapag ikaw ay naging 50 years old na, iyon iyong golden age, every two years kailangan mong magpamammogram,” dagdag pa ni Garin.
Sabi naman ni Tulfo, na kasama sa pulong balitaan, na ang libreng mammogram at breast ultrasound program ng PhilHealth ay maaaring nang masimulan sa Abril o mas maaga sa naunang pagtaya na buwan pa ng Hulyo.
“I’d like to announce before you today, iyong sinasabi na free mammogram and ultrasound para po sa lahat ng mga kababaihan na miyembro ng PhilHealth and their beneficiaries, ang una pong usapan, agreement with the Speaker and the PhilHealth officials ay July,” pahayag ni Tulfo.
Una nang inanunsyo nina Speaker Romualdez at Tulfo ang kanilang pakikipagpulong sa mga opisyal ng PhilHealth sa pangunguna ni president at CEO Emmanuel Ledesma.
Sa naturang pulong ay tiniyak ng PhilHealth na maibibigay ang libreng taunang mammogram at breast ultrasound sa mga kababaihan sa Hulyo.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ang programang ito ay kasama sa personal na adbokasiya ng kanyang misis na si Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez.
Pinuri din ni AnaKalusugan Partylist Rep. Ray Reyes ang inisyatiba ni Speaker Martin Romualdez na maging libre ang mammogram at breast ultrasound para sa mga kababaihan.
“Iyong response ng PhilHealth ngayon is really dahil initiative nga po ito ng Speaker natin, na nakikita nila ang tagal na bago nagkakaroon ng update sa case rates natin, ang tagal bago mataas iyong benepisyo, parang hindi na siya nagiging responsive doon sa dapat na matupad ng Universal Healthcare,” wika ni Reyes