MANILA – May alok na libreng COVID-19 test ang Quezon City local government para sa mga residenteng nagpunta sa community pantry ng aktres na si Angel Locsin.
Ito ang inanunsyo ng lokal na pamahalaan matapos dumugin ng mga residente ang inisyatibo sa Titanium building, Brgy. Holy Spirit.
Ayon kay Dr. Rolly Cruz, head ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, maaaring magpa-book sa https://bit.ly/QCfreetest ang mga makakaranas ng sintomas tulad ng sipon at ubo kasunod ng naturang community pantry event.
“Hindi natin puwedeng isantabi ang posibilidad na nagkahawahan dahil sa dami ng dumalo. Mabuti nang makasiguro na hindi natin mahawahan ang ating pamilya at mga kasama sa komunidad,” ani Dr. Cruz.
Bukod sa website, maaari rin daw tumawag sa contact tracing hotlines ng lungsod na: 8703-2759, 8703-4398, 0916-122-8628, 0908-639-8086, 0931-095-7737.
Umapela naman ang CESU sa kampo ni Locsin na makipag-ugnayan sa local government kaugnay ng gagawing hakbang ng lokal na pamahalaan.
“We hope to be furnished with any pertinent information that could aid us in immediately identifying, testing and isolating suspected Covid 19 cases,” dagdag ni Dr. Cruz.
Isa ang namatay matapos himatayin habang nakapila sa itinayong community pantry ng aktres.
Dinumog ng mga residente ang inisyatibo, na layuning mamahagi ng pagkain at iba pang pangangailangan ng mga apektado ng pandemic lockdown.
“Nananawagan ako kay Angel na makiisa sa hakbang ng lungsod na matugunan ang posibleng pagkalat ng Covid 19 sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga bagong kaso, lalo na sa hanay ng mga nagpunta sa community pantry na kanyang inorganisa,” ani Mayor Joy Belmonte.