Nakatakda na ang modernization at redevelopment sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
Sinabi ni LtCol Elenita Altamirano, ang Commanding Officer ng Grave Services Unit ng Philippine Army, may nakalatag na limang taon na modernization plan ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) para sa Libingan ng mga Bayani.
Nakasailalim dito ang ibat ibang mga pagbabago na gagawin, maliban sa regular na maintenance activities.
Kinabibilangan ito ng pagdadagdag ng mga pasilidad sa buong sementeryo, planong gawing world class ang serbisyo, at iba pang mahahalagang pagbabago.
Paliwanag ni LtCol Altamirano, ang Libingan ng mga Bayani ay hindi lamang isang military facility kungdi isa rin itong national shrine ng Pilipinas.
Ang naturang sementeryo aniya ay nagsisilbing himlayan ng mga bayani at matataas na opisyal ng bansa, at nagsisilbi itong pagbibigay-pugay sa kanilang kabayanihang nagawa nang nabubuhay pa sa bansa.