Isinusulong ni Leyte Rep. Richard Gomez sa Philippine Sports Commission (PSC) na payagan na ang “training activities” sa Rizal Memorial Stadium at Philippine Sports Complex para sa mga atletang sasabak sa ika-32 SEA Games na idaraos sa susunod na taon.
Sa inihaing House Resolution 202, ipinaliwanag ni Gomez, na ilang buwan na lamang ang natitira bago ang SEA Games na idaraos sa phnom Penh, Cambodia sa May 5 hanggang May 17, 2023.
Kailangan aniya ng matinding training ng mga atleta para mas mahasa pa sila at matiyak ang tagumpay at paghakot ng mga medalya.
Ayon kay gomez, nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong 2020 at nagpatupad ng serye ng lockdowns sa National Capital Region o NCR upang makontrol ang pagkalat ng virus, lahat ng sports training activities ay ipinagbawal ng gobyerno.
Nuong kasagsagan ng mataas na kaso ng COVID-19, ang Rzal Memorial Stadium sa Manila City at ang Ultra Sports Complex sa Pasig City ay pansamantalang ginamit bilang quarantine facilties.