Suportado ng iba’t ibang kumpanya o ‘electric vehicle brands’ ang kampanya ng Department of Energy hinggil sa paggamit ng ganitong mga uri ng sasakyan sa bansa.
Sa makaraan kasing aktibidad partikular ang ika-10 Philippine International Motor Show (PIMS) 2026 ay nilahukan ito ng mga EV brands, patunay sa pagsuporta ng layunin ng ahensiya.
Ayon kay Director Patrick Aquino ng Energy Utilization and Management Bureau ng Department of Energy, mahalaga raw ang naturang programang isinagawa.
Nagsisilbi aniya itong plataporma para maipakita ang inobasyon at maging ang pag-unlad ng sektor ng transportasyon tungo sa mas episyente at makabagong ‘mobility solutions’.
Naging tampok dito ang ‘electric mobility’ kung saan 17 global automotive brands ang nagpakita ng kanilang mga produkto.
Kabilang sa mga nakiisa ay ang VinFast na nagpakita ng iba’t ibang modelo ng ‘electric vehicle’ tulad ng VF 3, VF 6, Herio Green at iba pa.
Habang pumukaw naman ng atensyon lalo na sa mga pamilya ang VinFast MPV 7 dahil sa kapasidad nitong aabot sa 7-katao na kayang umandar hanggang 450-km sa isang full charge gamit ang fast-charge sa loob lamang ng higit-kumulang 30-minuto.
Kung kaya’t sa pakikilahok, ibinahagi ng Southeast Asia CEO ng kumpanya na si Antonio Zara III na suportado aniya nila ang mga programa ng pamahalaan upang mapabilis ang paglipat sa electric mobility.
















