KORONADAL CITY – Mariing kinokondena ni Lambayong Mayor Andy Agduma ang pananambang kay dating Sultan Kudarat Vice Governor Rolando Recinto.
Kung maaalala, nagmula ang biktima sa Tacurong City lulan ng kanyang L-200 truck at binaril ito sa bahagi ng Barangay Bulimen ng pinaniniwalaang riding-in-tandem suspects.
Ayon sa alkalde na tiyuhin ang naturang biktima, masakit sa kaniyang loob lalo na sa buong bayan ang pagpatay sa opisyal.
Dahil dito, iniutos niya sa pulisya at militar na kaniyang nasasakupan na paigtingin pa ang seguridad kasunod ng pangyayari.
Magbibigay din aniya sila ng pabuya para sa sinumang makakapagturo sa mga suspek na responsable sa krimen.
Umaapela rin ito sa publiko na sana’y tulungan sila upang malutas ang kaso at mabigyan ng hustisya si Recinto.
Nabatid na dati ring nagsilbi bilang alkalde at bise alkalde sa bayan ng Lambayong ang biktima.