-- Advertisements --

ILOILO CITY – Umabot sa 66 na mga bahay ang isinailalim sa lockdown sa Zone 2, Bo. Obrero, Lapuz, Iloilo City kasunod ng pagkamatay ni Western Visayas patient No. 679, 80-anyos na lalaki dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Kagawad James Conlu ng nasabing lugar, sinabi nito na nahawaan din ng COVID-19 ang 71-anyos na asawa na si Western Visayas patient No. 821 at ang 39-anyos na anak na si Western Visayas patient No. 820.

Ayon kay Conlu, ang dalawa ay kasalukuyang nasa facility quarantine.

Samantala, umaabot sa 166 na indibidwal ang apektado ng lockdown kung saan hinihintay pa ang resulta ng kanilang Real-Time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Inihayag naman ni Conlu na mabibigyan ng food packs ang mga apektadong residente.