NAGA CITY – Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin sa Purok Puting Buhangin, Brgy. Cotta, Lucena City.
Kinilala ang biktima na si Kenneth Alpuerto Mancenido, 29-anyos, residente ng nasabing lugar.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng kapulisan mula sa isang concerned citizen hinggil sa nasabing insidente.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na habang nasa labas ng bahay si Mancenido ng bigla na lamang dumating ang suspek na si Welben Cruz alyas “Butsok”, residente ng nasabing lugar at kinompronta ang biktima.
Dito naman nagkaroon ng mainit na diskusyon sa pagitan ng mga ito na nagresulta sa pananaksak ng suspek sa biktima.
Dahil dito, nagtamo ng ilang saksak sa kaniyang katawan si Mancenido na agad namang dinala sa pagamutan para sa asistensya medikal ngunit, ideklara ring dead-on-arrival ng mga doktor.
Samantala, agad namang tumakas patungo sa hindi malamang direksyon ang suspek dala ang ginamit nito sa pananaksak.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente maging ang pagtunton sa posibleng kinaroroonan ng suspek.