-- Advertisements --

Kinumpirma ng mga otoridad na binawian na ng buhay kaninang umaga ang isang lalaki matapos ang nangyaring aksidente kahapon Enero 8, sa Barangay Sacsac, Bacong Negros Oriental.

Kinilala ang nasawi na drayber na motorsiklo na si Niko Cabrea habang sugatan ang backrider na anak nito na si Neil Justine Cabrea, 14 anyos.

Ligtas naman ang Russian national na drayber ng Toyota Camry na kinilalang si Vladislavovich Zvyagin, 27 anyos,

Inihayag ni PMaj Antonio F Jabar na lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na binabaybay ng dalawang behikulo ang magkaibang direksyon, ngunit pagdating sa lugar, nag-counter flow si Cabrea dahilan para mabangga nito ang sasakyan ni Zvyagin.

Dahil sa lakas ng impact, wasak ang harapan ng sasakyan at tumilapon sa ibabaw na bahagi ang biktima.

Naisugod pa ito sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian rin ng buhay.

Dagdag pa ni Jabar na aalamin pa nila kung nasa impluwensya ba ng nakalalasing na inumin ang biktima bago nangyari ang aksidente.

Sinabi pa nito na kumpleto naman ng mga dokumento ang dayuhan.

Paalala pa nito sa mga motorista na maging responsable at maging maingat sa pagmamaneho upang walang buhay na masayang.