-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Kulong ang isang lalaki matapos nitong saktan ang kanyang dating kinakasama sa Brgy. Poblacion 3, Sta. Maria, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, pinuntahan ng suspek ang biktima sa bahay ng kanyang magulang at pilit umano nitong kinukuha ang kanilang motorsiklo subalit hindi pumayag ang babae.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa hanggang sa humantong sa panununtok at pananakit ng suspek.

Agad namang nakahingi ng tulong ang mga kamag-anak ng biktima sa Sta. Maria Police Station kaya nadakip ang pinaghihinalaan.

Dinala naman sa pagamutan ang biktima habang idineretso na sa himpilan ng pulisya ang suspek.

Desidido ang biktima na kasuhan ang suspek ng paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004).