MANILA – Nakatanggap na ng inisyal na alokasyon ng COVID-19 vaccines ang lahat ng regional offices ng Department of Health (DOH).
Ito ang inamin ni Health Usec. Leopoldo Vega sa isang panayam, kasabay ng nagsimula nang rollout ng bakuna sa ibang lugar sa bansa.
“Lahat ng (office sa) regions ng DOH, nakatanggap na lalo na ‘yung Sinovac. Naipamahagi na rin ito sa lahat ng mga LGU, public at private (hospitals) across all regions,” ani Vega sa interview ng DZBB.
Sa ngayon hindi na raw nahihirapan ang ahensya sa pamamahagi ng bakuna, dahil patuloy na tumataas ang demand mula sa mga ospital.
Ang nagiging hamon na lang umano ay ang limitado pa ring supply ng bansa.
Kung maaalala, aabot sa 600,000 doses ng donasyong Sinovac vaccines ang dumating noong nakaraang Linggo.
Nitong Huwebes naman, nasa 487,000 doses ng AstraZeneca vaccines mula sa COVAX facility ng World Health Organization din ang tinanggap ng pamahalaan.
Ngayong araw may inaasahan din ang gobyerno na karagdagang 38,400 doses ng bakuna ng AstraZeneca, na mula pa rin sa inisyatibo ng WHO.