-- Advertisements --

Walang nakikitang iregular si Sen. Panfilo Lacson sa ngayon sa bersyon ng 2020 proposed national budget na inaprubahan ng Kamara at ipinadala sa Senado.

Ayon kay Lacson, ang tanging nakita niyang pagbabago sa budget sa ilalim ng bersyon ng Kamara ng General Appropriations Bill ay ang P9.5-billion institutional amendments na inanunsyo din naman ng liderato ng Mababang Kapulungan.

Tinawag pa ni Lacson ang kasalukuyang miyembro ng Kamara bilang “most behaved,” dahil sa walang issue ngayon sa 2020 proposed national budget.

“Ang gumalaw lang talaga as announced ay ‘yung P9.5 billion. I don’t know what actually happened bakit wala ‘yung tulad noong nakaraan na umabot ng P75 billion mahigit. Pero ngayon, ‘yung sinabi nila na nilagyan nila ng pondo ‘yung NFA (National Food Authority) para sa palay, ‘yung DOH (Department of Health) para pag-augment doon sa Universal Health Care, talagang ‘yun lang,” ani Lacson sa isang panayam.

Magugunita na noong Setyembre lang ay nagpalitan ng mga maanghang na salita ang Senado at Kamara matapos sabihin ni Lacson na balak ng Mababang Kapulungan na bigyan ng P700 million hanggang sa P1.5 billion ang bawat kongresista sa ilalim ng 2020 national budget.

Napaulat din na kinuwestiyon nina Lacson at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagbuo ng Kamara ng small committee na hahahawak sa mga amiyenda sa 2020 GAB.

Pero makailang ulit ding binigyan diin ni Speaker Alan Peter Cayetano na ang inaprubahang GAB ng Kamara ay walang nakatagong pork barrel, illegal insertions, at parked funds.

Subalit nakapaloob dito ang P9.5-billion halaga ng institutional amendments sa mga kagawaran at ahensyta na nangangailangan ng pondo sa kanikanilang mga programa at proyekto.

Bagamat pinuri ni Lacson ang Kamara dahil sa naging totoo ito sa kanilang pahayag, hindi naman daw nasisigurado ng senador na pagdating sa deliberasyon ng bicameral conference committee sa national budget ay ganito rin ang magiging sitwasyon.