-- Advertisements --

MANILA – Kinalampag ni Sen. Panfilo Lacson ang mga nagtatalong opisyal ng pamahalaan na magkasundo at bumuo ng kongkretong aksyon sa issue ng West Philippine Sea.

“Ang irony nito at nakakalungkot, sa halip na magtulong-tulong tayong mga Pilipino, especially mga leaders, tayo pa nag-aaway-away sa usaping West Philippine Sea. Dapat iisa ang position natin,” ani Lacson sa interview ng DZXL.

“Yan ang nagpapakita ng weakness natin sa China,” dagdag ng mambabatas.

Pahayag ito ng senador, na chairman ng Senate Committee on National Defense, matapos magpalitan ng maaanghang na salita sina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Ayon kay Lacson, dapat magsimula sa mga opisyal ng pamahalaan ang pagkakaisa at igiit ang karapatan ng Pilipinas sa pag-aaring teritoryo.

“Dapat magsimula tayo na nagkakaisa tayo na dapat ipaglaban natin ang ating sovereignty and territorial integrity.”

Binigyang diin naman ng mambabatas na hindi dapat inuugnay ang COVID-19 vaccines sa issue ng agawan sa teritoryo.

Sinabi kasi ni Duterte na malaki ang utang na loob ng estado sa Beijing pagdating sa vaccine supply, kaya hindi nito maaaring basta sawayin ang Chinese vessels na nasa West Philippine Sea.

“Dapat walang kinalaman ang bakuna sa usaping territorial integrity and national sovereignty… dapat walang kinalaman ang dalawa.”

Payo ng senador, hindi dapat pakawalan ng gobyerno ang alyansa nito sa mga makapangyarihang bansa tulad ng Amerika, Japan, Australia, at ang Europa.

Lalo na’t naghayag ang bagong administrasyon ng Estados Unidos na handa muli itong pumasok sa Mutual Defense Treaty kasama ang Pilipinas.

“To maintain a balance of power in the region… This is despite the country’s foreign policy being independent but seemingly inclined toward China.”

“It is the Philippines that must make the initiative. The US cannot be more aggressive than we are in the disputed area,” ani Lacson.