-- Advertisements --

Nagpahayag ng magkaibang pananaw sina Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano hinggil sa partial committee report ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanumalyang flood control projects.

Nauna nang kinuwestiyon ni Cayetano ang ang partial committee report, kung saan hindi pa nito nailalahad ang kabuuang katotohanan sa flood control controversy. Aniya, tila lumalaki umano ang isyu kahit hindi pa kumpleto ang report, at may mga senador ding hindi sang-ayon sa ilang nilalaman nito.

Dagdag pa niya, dapat umanong hintayin ang buong resulta ng imbestigasyon bago ito pagtuunan ng pansin, lalo’t marami pa aniyang detalye ang maaaring lumabas sa mga susunod na pagdinig.

“Naapektuhan din kasi ng konting rivalry ni Sen. Lacson at ni Sen. Marcoleta eh. But the reality is, bakit tayo naka-focus sa partial [report] eh hindi pa nga naa-unvail lahat eh,” saad ni Cayetano.

Samantala, sinabi naman ni Lacson, na siyang chairman ng komite, na iginagalang niya ang posisyon ng bawat miyembro, kabilang ang mga hindi pa pumipirma sa report.

“While I disagree with those who do not want to sign, I respect and understand their individual decisions,” ani Lacson.

Sa kasalukuyan, pinirmahan na ng ilang senador angpartial report bukod kay Lacson na sina Senator Erwin Tulfo, Bam Aquino, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Nangangailangan pa sa hindi bababa sa siyam na lagda upang maiharap ito sa plenaryo para sa debate at posibleng pag-apruba.

Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na plano niyang ihayag sa plenaryo ang laman ng report at ang mga natuklasan ng komite sa nakalipas na pitong hanggang walong pagdinig, kahit hindi pa kumpleto ang pirma ng mga miyembro.

Ayon sa kanya, mahalagang maipabatid sa publiko ang progreso ng imbestigasyon upang maitama ang mga maling naratibo at masiguro na ang tamang impormasyon ang makakarating sa mamamayan.