-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Inireklamo sa pulisya ang isang lalaki matapos paghahampasin ng kahoy sa ulo ang kanyang bayaw sa Barangay Watwat, Kasibu, Nueva Vizcaya

Ang pinaghihinalaan ay si Zaldy Tumacder, 38 anyos, binata habang ang biktima ay si Hermito Bangad, 37 asnyos, may asawa, kapwa Laborer at residente ng nabanggit na Lugar.

Sa imbestigasyong isinagawa ng Kasibu Police Station, gabi bago mangyari ang insidente, nanggaling ang suspek sa isang lamayan at tanghali na nang nagising.

Nagwawalis ang suspek nang makita ng biktima na kanyang nilapitan at biniro.

Sa hindi inaasahan, bigla na lamang nainis si Tumacder dahilan para paghahampasin nito ng kahoy sa ulo at tagiliran si Bangad.

Dahil sa pangyayari natumba ang biktima matapos mapuruhan ang parteng tagiliran nito.

Kaagad dinala sa Kasibu Municipal Hospital ang biktima para malapatan ng lunas matapos mapuruhan sa panghahampas ng bayaw.

Boluntaryong sumuko ang suspek sa Kasibu Police Station matapos ireklamo ng kanyang bayaw.

Nasa pangangalaga ng pulisya ang suspek habang nagpapagaling na ang biktima.