BOMBO DAGUPAN – Nais ipacremate ng misis ng Overseas Filipino Worker ang labi ng kaniyang asawang kapwa nito Overseas Filipino Worker na nasawi sa giyera sa bansang Israel.
Ayon kay John Erickson Castelvi, kapatid ng nasawi sa naturang bansa na si Paul Vincent natagpuan na ng misis nito ang labi ng kaniyang kapatid.
Sa pagsasalaysay ni Erickson, sinunog si Paul kasama ang mga employer nito.
Aniya, bago pa man uminit ang nangyayaring sagupaan ay natawagan pa sila ni Paul at sinabing nasa loob na ito ng bomb shelter, ngunit hindi nila akalain na iyon na raw pala ang huling pagkakataon na makakausap nila ito.
Kaugnay nito, sinabi ni Erickson na “Hindi makatao” ang ginawang pagpapaslang sa kaniyang kapatid, kung kaya’t gano’n na lamang ang galit nito at sinabing nais niya silang maubos upang pagbayaran ang kanilang mga kasalanan.
Isinalarawan naman niya si Paul bilang isang mabait at may matayog na pangarap na mai-ahon ang pamilya sa kahirapan.
Samantala, nananawagan naman ito sa pamahalaan, na sana’y tulungan sila na agarang maiwui ang labi ng kaniyang kapatid.