-- Advertisements --

Magiging mas handa pa ang Pilipinas para sa laban kontra COVID-19 pandemic kung palawigin pa ng dalawang linggo ang enhanced community quarantine sa Luzon, ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda.

Ayon kay Salceda, ang pagtaas ngayon ng testing capacity at pagdami ng mga isolation facilities ay senyales na kaya ng pamahalaan na palawigin pa ang enhanced community quarantine.

Naniniwala si Salceda na mas kaya ng gobyerno na matulungan ang publiko at mapalakas ang tsansang mag-wagi sa laban kontra COVID-19 kung palawigin pa ng dalawang linggo ang lockdown.

“We were just dancing with the virus when we imposed the lockdown. With increasing capacity, we can now hammer it. Let’s give the public health sector two more weeks to adjust. It’s like after forging a hammer, we just squander it on a dance,” ani Salceda.

Sinabi ng kongresista na dahil hindi naman mako-kontrol ang infectiousness ng virus, dapat na ituon ng pamahalaan ang kapasidad nito sa public health response.

Noong nakaraang linggo lang ay inanunsyo ng Department of Health ang delivery ng test kits sa limang subnational laboratories at talong iba pang laboratoryo sa bansa para magsagawa ng 40,700 tests bawat isa.

Dahil dito, sinabi ni Salceda na mas may kakayahan na ang pamahalaan na makapagsagawa ng maraming testings, gayundin ang pag-isolate sa lalong madaling panahon sa mga infected patients.

Mahalaga aniya ito para sa desisyon na gagawin naman para sa tuluyang pagbawi sa enhanced community quarantine.

“The more we isolate and treat, the less the infection becomes viral. The less it becomes viral, the less cases there are on the second, third, fourth rounds and so on. That’s why we need to get it right at this stage, because this month decides whether we win this battle or not,” dagdag pa ni Salceda.