-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Agad na namatay ang isang lalaki makaraang hatawin ng halos 12 beses ng bara de kabra ng nakababatang kapatid sa Barangay Dumaguit, New Washington, Aklan.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si John Rey Romualdo, 27, samantalang kusang sumuko ang suspek na si John Paul dela Cruz, 22, kapwa caretaker ng isang fish pond at residente ng naturang lugar.

Lumalabas sa imbestigasyon na kapag nalalasing ang biktima ay palagi nitong binubulyawan at sinasaktan ang kanilang amang si Eserconcestion dela Cruz, 54.

Sinasabing muling nasaksihan ng suspek ang pinakahuling insidente ng pananakit ng biktima sa kanilang ama, kung saan hinataw umano ng tubo ng kanyang kuya ang ama dahilan kaya hindi na pinalampas ng nakababatang kapatid.

Nagdilim umano ang paningin ng suspek nang makitang duguan ang ama kaya nagalit at kinuha ang bara de kabra at pinaghahampas sa ulo, leeg at iba pang bahagi ng katawan.

Kapwa lasing ang magkapatid nang mangyari ang insidente.