-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nais ng magbagong buhay at makiisa para sa kapayapaan ang ugat nang pagsuko ng labing isang mga myembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa military sa lalawigan ng Maguindanao.

Ang mga sumukong rebelde ay pinangunahan ni Kumander Mulawin at sampung niyang mga tauhan na sina alyas Rahib, Nasrullah, Salahuddin, Esmail, Rahim, Haron, Tapa, One Eye, Naser at Kasim mga kaalyado ng grupo ni Kumander Ustadz Karialan ng (BIFF-Karialan faction).

Sumuko ang grupo ni Kumander Mulawin sa tropa ng 33rd Infantry Battalion Philippine Army sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Benjamin Cadiente Jr at Joint Task Force Central sa Barangay Kuloy Shariff Aguak Maguindanao.

Dala ng mga rebelde sa kanilang pagsuko ang mga matataas na uri ng mga armas na kinabibilangan ng isang 60mm Mortar, (2) Caliber .30 Barret Rifle, (1) M14 Rifle, (2) Caliber .30 M1 Garand Rifle, (1) Caliber 5.56mm M16 Rifle, (1) Caliber .45 Pistol, (1) Caliber .45 Thong Ram Submachine Gun, (2) Improvised Explosive Devices,mga bala at mga magasin.

Pormal namang tinanggap ni Ist Mechanized Brigade Commander Colonel Pedro Balisi ang 11 na BIFF na sumuko.

Nagpasalamat si Colonel Cadiente kay Barangay Kuloy Shariff Aguak Brgy Kapitan Remmy Degay at Barangay Tapikan Brgy Chairman Mohamad Dawaling sa pagtulong sa negosasyon sa pagsuko ng grupo ni Kumander Mulawin.

Pinuri rin ni 6th Infantry (Kampilan) Division Chief at Joint Task Force Central Commander Major/General Juvymax Uy ang 33rd IB,Barangay at mga local officials sa matagumpay na pagsuko ng mga rebelde.

“I commend this accomplishment of 33IB which contributes to our campaign against violent extremism and bringing us closer to the desire of the people of Maguindanao for a peaceful and progressive province,”ni MGen Uy.

Umaasa si General Uy sa pamamagitan ng pagtutulungan ng militar, LGUs at komunidad ay mapuksa ang mga terorista kagaya ng BIFF,Dawlah Islamiyah at mga armed lawless group sa Maguindanao.