
Idineklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang mga alituntuning nagbabawal sa mga matatalong kandidato na mapabilang sa listahan ng mga nominado para maging kinatawan ng party-list.
Ayon sa SC Public Information Office, ang mga mahistrado ay bumoto upang alisin bilang labag sa konstitusyon ang nakasaad sa ilalim ng Seksyon 8 ng Party-List System Act.
Idineklara din nitong hindi wasto ang mga nakasaad sa ilalim ng Sections 5(d) at 10 ng Comelec Resolution 10717 na inilabas bago ang halalan noong Mayo 2022.
Napag-alaman ng Korte na ang pagbabawal sa natalong mga kandidato ay lumalabag sa paggarantiya ng konstitusyon para sa substantive due process na lumalabag sa karapatan nito na makalahok sa kasalukuyang halalan.
Dagdag pa ng korte, na hindi dapat imandato ng estado na hindi eligible ang isang tao na tumakbo sa public office dahil lamang sa pagkatalo nito noong nakalipas na halalan o maging sukatan ito sa kakayahan ng isang tao para maglingkod.
Una rito, nag-ugat ang naturang desisyon sa inihaing petisyon nina Catalina Leonen-Pizzaro at Glen Quintos Albano, na pawang mga kandidato para sa party-list representatives noong 2019 midterm elections.










