Hawak ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang isang puganteng South Korean na wanted sa mga otoridad sa kanilang bansa dahil sa large-scale fraud.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang suspek ay si 50-year-old Sin In Chul na inaresto sa isang condo sa Taguig City ng pinagsanib na puwersa ng BI-Bureau’s Fugitive Search Unit (FSU) at PNP-Criminal Investigatoon and Detection Group (PNP-CIDG).
Lumalabas sa imbestigasyon na Enero hanggang Marso ngayong taon, nasa 31 katao ang kanyang naloko sa kapwa nito Koreans at nakakulimbat ito ng 1.086 billion won o $914,000 na katumbas ng mahigit P45 million.
Modus ng banyaga na magbenta ng face masks sa pamamagitan ng pag-post sa internet pero pagkatapos magbayad ang kanyang mga kliyente ay hindi naman talaga nito ide-deliver ang mga inorder sa kanya.
Ipinade-deposit daw kasi muna ng suspek ng advance ang bayad sa kanyang bank account.
“We will send him back to South Korea as soon as our Board of Commissioners issues the order for his summary deportation. He will be placed in our black list of undesirable aliens to prevent him from re-entering the Philippines,” ani Morente.
Napag-alamang subject din ng red notice na inisyu ng Interpol ang naturang banyaga dahil sa kasong kinahaharap sa Incheon, South Korea.
Sa ngayon, nakaditine si Sin sa CIDG headquarters sa Manila habang hinihintay ang resulta ng kanyang Coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab test.