ILOILO CITY – Binaril-patay ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang punong barangay ng Roosevelt, Tapaz, Capiz.
Ang biktima ay si Julie Catamin, 49-anyos na miyembro ng LGBT (lesbian gay bisexual transgender).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Captain Genesis Roque, hepe ng Calinog Municipal Police Station, sinabi nito na binaril ang barangay chairman sa Barangay Malitbog Centro, Calinog, Iloilo.
Sakay si Catamin ng kanyang motorsiklo at pauwi na sana sa Tapaz, Capiz, nang tinambangan ng riding-in-tandem suspects.
Nagtamo ng malalang sugat sa likod si Catamin na dahilan ng kanyang pagkamatay.
Bago ang insidente, pinatawag umano si Catamin sa 61st Infantry Battalion sa Barangay Libot, Calinog, Iloilo, at binalaan ng militar na posibleng maulit ang madugong insidente kung hindi ito titigil at ang kanyang mga residente sa pagsuporta sa mga rebelde.
Kung maaalala, sa Baranagy Roosevelt, Tapaz, Capiz, nangyari ang madugong pagsilbi ng search warrant ng Criminal Investigation and Detection Group noong Disyembre 30 na ikinasawi ng siyam na katao na pinaniniwalaang kasapi ng rebeldeng grupo.