-- Advertisements --

Pansamantalang nakalaya si Police Lt. Col Jovie Espenido at dalawa pang pulis na akusado sa kasong homicide.

Ayon kay Espenido na nakapagpyansa na sila at natanggap na ang release order kahapon.

Nasa P240,000 umano ang ibinayad niya at ni Police Executive MSgt. Renato Martir Jr. at Police Cpl. Sandra Louise Bernadette Bantilan na dati niyang tauhan.

Matatandaan na nitong Martes, boluntaryo silang sumuko sa Ozamis City Police Station matapos maglabas ang Department of Justice ng warrant of arrest dahil sa kasong 6 counts ng homicide, base sa isinampang reklamo ng isang Carmelita Manzano noong 2018.

Ito ay dahil sa pagpatay umano nila sa kaniyang asawa na si Fancracio; anak na si Jerry; live-in partner ng kaniyang anak na si Victorino Mira Jr.; pamangkin na si Lito Manisan; live-in partner ng kanyang pamangkin na si Romeo Libaton; at isa pang Alvin Lapeña sa ginawang raid noong Hunyo 1, 2017 sa Barangay Cabinti.

Giit naman ni Espenido, kilalang mga tauhan ng pamilyang Parojinog at miyembro ng Martilyo Gang ang mga napatay na mga suspek noon.

Matatandaan na si Espenido  ay isa mga kontrobersiyal na mga pulis sa kasagsagan ng drug war ng administrasiyong Duterte.