Nahaharap ngayon sa kasong nepotism ang dating National Center for Mental Health (NCMH) chief administrative officer Clarita Avila na nag-post din sa Facebook tungkol umano sa mga nakikita niyang pagkukulang ng NCMH.
Ayon sa kanya, kulang ang supply ng Personal Protective Equipment (PPE) kung kaya takot na ang mga doctor na mag-duty doon.
Sinabi pa nitong parang pupunta sila sa giyera na wala naman silang baril.
Noong April 14, 2020 ay natanggap ni Avila mula sa Department of Health (DoH) ang order of reassignment niya patungo sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Las Piñas City.
Ang pagpapalipat kay Avila ay hindi lamang dahil sa kanyang Facebook post kundi, marami na pala itong kinakasangkutan na isyu.
Noong July 2019, sinampahan si Avila ng kasong graft and malversation case sa Office of the Ombudsman.
Inaakusahan si Avila ng pagmamaniobra ng ilang proyekto sa NCMH na nagkakahalagang P60 million para mapunta sa isang kompanya na kasosyo niya.
Bukod pa rito, hanggang ngayon ay hindi pa rin natatanggap ng Ombudsman ang ilang mga requirements mula kay Avila kabilang na ang Personal Data Sheet, Oath of Office, Appointment, at Service Record.
Ang mga dokumentong ito ay noong October 2019 pa hinihingi ng Ombudsman mula sa pamunuan ng NCMH.
May iba pang mga empleyado ng NCMH na hindi rin nakapagsumite ng nasabing requirements.
May mga insider na nagsabing ang ilan sa mga empleyadong ito ay mga anak ni Avila.
Alam naman umano ng lahat na ang mga anak ni Avila na sina Angel Aguilar, Mark Aguilar, Roseni Aguilar at Sarah Joy Aguilar Lobo ay naging mga empleyado ng NCMH.
Nabigyan din ang bawat isa sa kanila ng immediate promotion.
Ngunit ayon sa mga alituntunin ng Civil Service Commission (CSC), maaring makasuhan ng nepotismo si Avila.
Noong tinawag ang pansin ni Avila tungkol dito, sinasabing tinimbrehan niya ang kanyang mga anak upang mag-resign ang mga ito.
Pagkatapos nito ay sumama kay Avila ang mga anak papuntang Australia at doon sila nanatili mula December 17, 2019 hanggang February 27, 2020.
Ito umano ang pang-apat na beses na pagbiyahe ni Avila papuntang Australia sa loob ng 14 na buwan.
Ang unang pagbiyahe niya ay noong October 2018.
Bukod sa mga Avila, may iba pang naipasok sa NCMH si Avila noong siya ay tumayo ring chairman ng Selection and Promotion Board (SPB) ng NCHMH.
Ang mga sumusunod ay pawang kamag-anak niya o may personal na kaugnayan sa kanya:
- Aileen Tambago (kapatid)
- Donaliza Indong (kamag-anak)
- Cristy Indong (kamag-anak)
- Liza Andez Quinonez (kamag-anak)
- Rommel Ty (kamag-anak)
- Maribel Andeza (kamag-anak)
- Jonalyn Supilanan (kamag-anak
- Fe Avila Reyes (kapatid)
- Larry Andeza (kamag-anak)
- Ruben Reyes (pinsan)
- Julz Reyes (asawa ng pinsan)
Ang naturang mga personalidad ay may case number FF-C-19-0379 sa Ombudsman.
May mga espekulasyon namang lumalabas na kaya nanggugulo si Avila sa NCMH ay para hindi na pag-usapan ang mga kaso o anomalya na kinasasangkutan niya.
Pero dapat umano itong harapin ni Avila para hindi na nakakagulo pa sa NCMH.