Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na mayruon na silang ginagawang hakbang ngayon patungkol sa kontrobersiyal na Non-Contact Apprehension Policy (NCAP).
Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Transportation sa pangunguna ni Rep. Romeo Acop, kinumpirma ni LTO Chief Atty. Teofilo Guadiz III sa mga mambabatas na kasalukuyang nagsasagawa ng pulong ang LTO at ang limang local government units na nagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy.
Sa nasabing briefing natanong ni 1 Rider Party List Rep. Rodge Guttierez kung ano na ang ginagawa ng kagawaran para tugunan ang reklamo at issue kaugnay sa NCAP.
Ayon kay Guadiz, layon ng pulong na ma-plantsa ang gusot sa pagpapatupad ng NCAP tulad na lamang ng halaga at kung sino ba ang dapat pagmultahin.
Bahagi rin ng rekomendasyon ng LTO-TWG ang pagkakaroon ng module kung saan para sa mga public utility vehicle kung saan ang multa para sa violation ay ipapataw sa driver ng PUV at hindi sa operator ngunit sa mababang halaga.
Katunayan, iminumungkahi ng LTO na i-harmonize ng mga LGU ang kanilang panuntunan sa NCAP sa panuntunan ng MMDA kung saan higit na mas mababa ang multa kumpara sa fines na ipinapataw ng LGUs.
Paglilinaw naman ni Transportation Asec. Steve Pastor, hindi polisiya ng LTO ang NCAP bagkus ay ipinatutupad lamang ang ordinansa ng mga lokal na pamahalaan.
Dahil dito kusa nang bumuo ng technical working group ang LTO kasama ang mga LGU para ayusin ang NCAP.
Samantala, nilinaw naman ni Atty. Guadiz na updated na sa ngayon ang license plate para sa mga 4-wheel vehicle at ginagawan na rin ng paraan ngayon ng LTO ang backlog sa mga license plate o plaka sa mga motorsiklo.
Batay sa COA report na ang backlog sa production ng license plate as of 2020 ay nasa 8.12 million at nabatid sa ulat na ang ahensiya ay nangangailangan ng 11 million license plate para lamang ito sa mga motorsiklo.
Aminado naman si Atty Guadiz na isa sa tinututukan ng ahensiya ngayon ay backlog sa mga license plate.
Sa katunayan nagpu-purchase na ang LTO ng mga dagdag na materials para sa production ng mga license plate, at nagpapatupad ngayon ng 24-hour shifts sa kanilang Quezon City plate stamping facility para maideliver ang long-overdue na 10-million plate number backlog na naiwan ng nagdaang dalawang administrasyon.
Kabilang sa naging tugon ng LTO para mapabilis ang kanilang trabaho ay ang pagdagdag ng manpower.