Siyam na beses na mas malaki ang P8.68-billion contract ng kontrobersyal na Pharmally Pharmaceutical firm para sa mga medical supplies na binili ng pamahalaan kaysa 2021 budget ng Office of the Vice President, ayon kay Vice President Leni Robredo.
Sinabi ito ni Robredo bilang pananaw sa umano’y overpricing sa pagbili ng gobyerno ng COVID-19 supplies noong 2020 para sa COVID-19 response ng Department of Health, na kasalukuyang iniimbestigahan sa Senado.
Ayon kay Robredo, ngayong 2021, ang budget ng kanyang opisina ay P908.79 million lamang, halaga na kanilang ginamit para makatulong din sa COVID-19 response ng pamahalaan.
Sinabi ng bise presidente na posibleng mas malala pa ang alegasyon na mayroong korapsyon sa panahon ng pandemya, sabay puna sa pagbili ng mahal na medical supplies.
“Ano pa ba ang mas lalala na lumalabas na grabe ‘yung corruption na nagkakamatayan yung mga tao. Bakit ganito? Ang daming nagugutom, ang daming nawawalan ng trabaho, tapos pagkakakitaan ninyo,” ani Robredo.










