Inihayag ng isang lider ng Kamara na may prerogative pa rin ang Kongreso na magbigay ng appropriations sa case-to-case basis para sa mga state universities and colleges (SUCs) kung nais nilang ipagpatuloy ang pag-aalok ng senior high school (SHS) program.
Sinabi ni House Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan kung ang isyu ay pagpopondo para mapanatili ang SHS program sa SUCs, maaaring isa-isahin ng Kongreso ang mga subsidiya para sa SUCs sa taunang badyet.
Ginawa ni Libanan ang pahayag matapos maglabas ng memorandum ang Commission on Higher Education (CHED) na nag-uutos sa mga SUC at local universities and colleges (LUCs) na ihinto ang pag-aalok ng programa dahil natapos na ang K to 12 transition period na bahagi naman ng legal na batayan para sa kanila para tumanggap ng SHS students.
Ipianliwanag naman ni CHED chair Prospero de Vera III na hindi biglaan o arbitrary ang memorandum sa paghinto ng SHS program sa SUCs at LUCs, na inilabas noong Disyembre 18, 2023, dahil ang Academic Year 2023 hanggang 2024 ay patuloy pa rin at wala din aniyang naganap na displacement ng mga mag-aaral.
Iniulat niya na ang paghinto ng mga SHS program sa mga SUC at LUC ay ginagawa na sa nakalipas na 3 taon.
Nagkaroon din ng kasunduan ang CHED at ang DepEd na ang mga pampublikong unibersidad ay maaaring mag-alok ng senior high school program sa panahon ng transition at ang mga mag-aaral ay may subsidiyang maaaring ma-avail sa pamamagitan ng voucher program.
Sa ngayon, tinatayang nasa 17,700 Grade 11 mag-aaral ang naka-enrol sa kasalukuyang school year sa SUCs at LUCs sa buong bansa, batay sa database ng DepEd na maaaring maapektuhan sa pagtanggal ng SHS program sa SUCs at LUCs.