Nais ngayon ng isang mambabatas na tutukan ng Department of Health (DoH) ang prevention maging nang pag-kontrol sa mga communicable diseases.
Sinabi ni ni House Committee on Appropriations Vice Chair at Iloilo Representative Janette Garin na ito ay matapos tapyasan ang pondo sa disease prevention ng P4.2-billion o 71.21% na inilipat sa health promotion program ng ahensya.
Naniniwala si Garin na ang ganitong hakbang ng DOH ay maituturing na “wrong priority” lalo at nahaharap pa rin ang bansa sa pandemic.
Paliwanag naman ni DOH OIC Secretary Maria Rosario Vergeire, binawasan ang pondo sa disease prevention dahil mayroon na aniyang sapat na stock ng Personal Protective Equipment (PPE) at Gene Expert Cartridges na ginagamit na test para sa tuberculosis, covid, hepatitis at HIV.
Ngunit para kay Garin na dating kalihim ng DOH, ang prevention and control ng communicable diseases ay hindi lang dapat nakasentro sa pagbili ng PPE at test cartridges.
Dagdag pa nito na ang pondo na inilipat sa health promotion ay maaaring gamitin pambili ng dagdag na gamot kontra covid at paghahanda laban sa monkeypox.