Bahagyang bumubuti na ang kondisyon ni Dating President Joseph “Erap” Estrada bagama’t nasa ICU at mechanical ventilation pa rin, ayon sa anak nito na si dating Senator Jinggoy Estrada.
Ayon kay Jinggoy bahagyang may improvement ang kondisyon ng kanyang ama matapos na lagyan ito ng mechanical ventilation dahil sa pneumonia nito.
Nabatid na nilagyan ng mechanical ventilation ang 83-anyos na dating presidente matapos na lumala ang pneumonia nito at para na rin maging maayos ang oxygen delivery sa bagay nito.
Marso 29 nang inanunsyo ni Jinggoy na nagpositibo sa COVID-19 ang kanyang ama.
Maari aniyang nakuha ng kanyang ama ang novel coronavirus mula sa mga bisita nito.
Ayon kay Jinggoy, ang kanyang asawa na si Presentiacion ay nagpositibo rin sa COVID-19 at kasalukuyang naka-isolate, habang siya naman ay nagnegatibo sa isinagawang swab test sa kanya.
Hindi naman aniya inirekomenda sa kanila ng kanilang mga doktor ang paggamit ng ivermectin sa kanyang ama.