Hindi pa raw mailalabas ng Department of Health (DOH) ang binuo nitong Omnibus Guidelines sa COVID-19 testing, dahil ilang rekomendasyon pa mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang hinahabol para sa mas malawak na implementasyon.
“Kasi ang nangyari dyan, Omnibus Guidelines lang tayo for testing methods tapos pinasama na rin yung guidelines for surveillance, contact tracing and isolation,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Bukod sa panuntunan ng ibang COVID-19 strategies, pinasasali na rin daw ng IATF sa guidelines ang sistemang dapat sundin ng “special population” — locally stranded individuals (LSIs), overseas Filipino workers (OFWs), returning overseas Filipinos, international and domestic tourists, at economy workers.
“Sabi nila dapat may separate algorithm, maipakita namin aling test ang dapat gamitin sa kanila, paano yung proseso, how will they be isolated, and how they will be managed, when can they be allowed to travel.”
Isinasapinal na raw ng DOH at iba pang ahensya ang inamiyendahang draft para maipresenta muli at maaprubahan na ng IATF sa susunod na linggo.
“This has to go through another run with IATF para makakuha na tayo ng approval, so we can eventually release it.”
SALIVA TESTING
Samantala, nilinaw ng DOH na hindi pa kasali sa naturang guidelines ang para sa saliva swab test dahil hindi pa tapos ang pag-aaral ng local experts sa pagiging epektibo ng isa pang testing strategy.
“Last week may mga nagre-recommend that they would also do their studies on saliva testing at tinitingnan natin ‘yan ngayon, what process we should have base on our existing processes.”
Nilinaw ni Usec. Vergeire na walang kinakailangan na makina para sa saliva test dahil ang samples nito ay patatakbuhin din ng makinang ginagamit sa RT-PCR test.
“Mayroon siyang swab or stick that you use with a sponge in the end, ira-rub off mo sa both sides ng oral cavity… ang naging advantage ng saliva test, ang sinasabi ng experts, mas mataas yung viral load na nakukuha kapag sa saliva at convenient sa tao.”
Bukod sa pag-aaral na ginagawa ng Research Institute and Tropical Medicine, hinihintay din ng health officials ang pagsa-submit ng ilang private groups sa ikinakasa rin nilang stratehiya para sa saliva test.