LEGAZPI CITY- Nagpaabot ng nasa 1,000 kahon ng mga relief goods ang Energy Development Corporation sa mga evacuees sa bayan ng Camalig na apektado ng mga aktibidad ng Bulkang Mayon.
Kun babalikan, ang nasabing kumpanya ang may ari ng bumagsak na Cessna 340A plane malapit sa bunganga ng bulkang Mayon noong nakalipas lamang na buwan ng Pebrero.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Camalig Mayor Caloy Baldo, mismong ang kompanya ang lumapit sa kanilang opisina upang alamin ang mga pangangailangan ng evacuees.
Ito’y matapos na magkaroon ng magandang relasyon ang kompanya at lokal na gobyerno dahil sa mga kanilang naging pagtutulungan sa kasagsagan ng search and retrieval operations para sa bangkay ng apat na sakay ng bumagsak na eroplano.
Labis naman ang pasasalamat ng lokal na gobyerno ng Camalig lalo pa at malaking tulong ang nasabing mga relief supply na kailangan ngayon ng mga apektadong residente.
Samantala, pinaghahanda na ngayon ng LGU Camalig ang mga residente sa posibilidad na itaas pa sa alert level 4 ang Bulkang Mayon kung kaya inalerto na rin ang mga nakatira sa 7km hanggang 8km extended danger zone na maging handa sa posibleng paglikas sakaling lumala pa ang aktibidad ng bulkan.