Sinupalpal ni Sen. Aquilino “Koko” Pimentel ang isa sa lider ng PDP-Laban Cusi wing nang sabihin na “out” na sa partido si Sen. Manny Pacquiao dahil sa pagiging miymebro rin sa regional party nito na People’s Champ Movement.
Una nang sinabi ni Melvin Matibag, secretary general ng PDP-Laban, bagamat maaari pa rin naman daw magpaliwanag si Pacquiao sa hearing, subalit kung pagbabatayan daw ang konstitusyon nila ay knockout na sa pagiging miyembro ang senador.
Buwelta naman ni Pimentel, anak ng founder ng partido, noon pa man marami na raw ang may kanya-kanyang nagbibigay ng interpretasyon sa isyu ng membership.
Aniya, hindi raw ipinagbabawal ng kanilang patakaran na meron ding membership sa isang regional party ang kanilang mga kaanib.
Tinuligsa din ni Pimentel si Matibag na sinisira lamang ang konsentrasyon ni Pacquiao na naghahanda ngayon sa laban sa Agosto 22.